Pagpatag ng COVID-19 curve sa Hulyo, Agosto malabo: eksperto

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2020 01:50 PM | Updated as of Jul 17 2020 02:13 PM

MAYNILA - Malabo pang pumatag ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) curve ng bansa pagdating ng Hulyo o kaya Agosto, ayon sa isang eksperto. 

Ayon kay Profesor Guido David ng University of the Philippines Institute of Mathematics, medyo mabilis pa ang trend o trajectory na nag-a-average nang 2,000 COVID-19 cases kada araw. 

"Ngayon mabilis pa yung trajectory so 'yun ang goal natin pero hindi pa mangyayari yun sa July or August kasi yun nga medyo mabilis pa eh bumibilis nga eh," ani David sa panayam sa Teleradyo. 

"Pero ang inaasahan natin yung mga solutions natin ngayon gagana hindi ko pa nakikitang July or August magpa-flatten na sya kunyari napa-ano natin maybe by September." 

Sa katunayan, posible pa umanong lumobo sa 80,000 hanggang 85,000 ang kaso ng COVID-19 sa bansa pagdating ng katapusan ng Hulyo. 

Ayon kay David, sa Metro Manila ay nasa 1.3 ang reproduction number - na nangangahulugang mas mabilis ang pagkalat ng virus sa lugar. 

Mataas din aniya ang positivity rate nito. 

Pero umaasa naman daw siyang mapapabagal ito lalo't nagsabi na ang pamahalaan na mas magiging agresibo ang mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga intervention o protocol. 

Ayon sa datos ng Department of Health, nasa 61,266 na ang kumpirmadong kaso ng coronavirus sa bansa. 

Sa bilang, nasa 21,440 na ang gumaling sa sakit at 1,643 ang pumanaw. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.