Pagpasa ng anti-dynasty law susi sa totoong pagbuwag sa oligarkiya: analyst

Christian Esguerra, ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2020 03:47 PM

MAYNILA — Nitong nakalipas na linggo tumindi ang mga banat ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga tinagurian niyang "oligarko," o iyong iilang pamilya na nagpapakasasa umano sa yaman at kapangyarihan sa bansa.

Katunayan, sa isang talumpati ay ipinagmalaki pa ni Duterte ang pagpapasara sa ABS-CBN bilang isa umano sa kaniyang tagumpay laban sa oligarkiya.

Sinubukan itago ng Malacañang ang bahaging iyon ng talumpati ng Pangulo, pero nabuking ito nang mapasakamay ng media ang mas kumpletong audio recording ng speech. 

" 'Yun namang ABS-CBN, binaboy ako. Pero sinabi ko 'pag ako ang nanalo, bubuwagin ko ang oligarchy ng Pilipinas. Ginawa ko," pahayag niya. 

Pero marami rin ang nagduda dahil mismong ang Pangulo na rin ang nagsabi nito: " 'Yung kaibigan kong tumutulong, 'pag yumaman ka nang yumaman, mas maligaya ako."

Ayon kay political science professor Julio Teehankee, maituturing na "partisan politics" kung target lang ang iilang pamilya at di naman itutuwid ang sistema.

"One president’s oligarch would be another president’s crony," ani Teehankee, propesor sa De La Salle University. 

Mapatutunayan lang umano ang katapatan ni Duterte sa laban kontra oligarkiya kung magpapasa siya ng batas laban sa mga dinastiya.

"If truly President Duterte is sincere in trying to dismantle oligarchy in this country, he should start by passing a genuine anti-political dynasty law," sabi ni Teehankee.

Dati pang isinusulong ito ni Teehankee lalo na nu'ng itinalaga siya mismo ni Duterte sa consultative committee na bumalangkas ng isang federal constitution.

Pero kalaunan, ibinasura ng Kamara ang probisyong nagbabawal sa political dynasties at sa halip gusto pa nilang tanggalin ang limit sa termino nila.

Diskumpyado si Teehankee na uusad pa ang isang anti-political dynasty law sa ilalim ni Duterte lalo’t higit 70 porsyento ng mga nasa Kongreso ay galing sa political dynasties.

Isa si House Speaker Alan Peter Cayetano sa mga bumabanat ngayon sa oligarchs matapos ibasura ang hiling na prangkisa ng ABS-CBN.

"This is our chance na baguhin ang sistema, baguhin ang oligarchic system. Anyway, ilang henerasyon na din naman nakinabang 'yung mga pamilyang ito," giit ni Cayetano sa isang House hearing noong Huwebes. 

Pero pagtataka ni Teehankee, mismong si Cayetano ay kabilang sa isang political dynasty. Katunayan, ang misis nito ay mamababatas din sa Kamara na kumakatawan sa ibang distrito ng Taguig, habang ang mga kapatid niya ay senador at alkalde. 

"He is a dynast himself, he belongs to a political dynasty. A fat dynasty at that because they occupy practically all the elected positions in their constituency... He should start in his own backyard, the House, and start really pushing seriously for the dismantling of political dynasties," ani Teehankee. 

Dahil kung hindi, aniya, lalabas na selective lang ang kampanya laban sa oligarkiya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.