Pagbayad ng lumobong water bill palalawigin hanggang Setyembre 30

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2020 07:26 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Pinalawig ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System nang hanggang Setyembre 30, 2020 ang deadline sa pagbabayad ng lumobong water bill noong Abril at Hunyo.

Paliwanag nila, paraan ito ng pagbibigay-konsiderasyon sa hirap ng buhay dahil sa epekto ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Ang nauna anilang deadline ay dulo ng Hulyo 2020 para sa mga non-lifeline users o kaya ang mga kumokonsumo nang hanggang 10 cubic meters kada buwan.

"The board directed the two concessionaires to give grace period of at least the end of this third quarter to provide relief for our consumers at the same time to balance need of concessionaires to earn from their production," ani MWSS Administrator Emmanuel Salamat.

Sakop dito ang mga bill noong enhanced at modified enhanced community quarantine, dalawa sa pinakamahigpit na lockdown protocols na pinairal ng gobyerno kasabay ng COVID-19 pandemic.

Maaalalang mga piling negosyo lang ang pinapayagang magbalik operasyon alinsunod sa mga nabanggit na lockdown protocol.

Ang Maynilad at Manila Water, susunod sa MWSS kahit wala pang natatanggap na pormal na utos tugnkol dito.

Paliwanag ng Maynilad, may dagdag pa silang palugit kahit ma-isyuhan pa ng disconnection notice pagkatapos ng September 30 deadline.

"Hanggang October 15 para bayaran pa ulit ang total amopunt due at October 16 magsisimula ang physical disconnection," ani Zmel Grabillo, Maynilad spokesperson.

Nagpaalala naman ang Manila Water na tatanggap pa sila ng promissory note kung talagang gipit ang konsyumer.

"Kung alam naman na hindi maise-settle ang ECQ bills nila by July 31, pwede naman magkaroon ng promissory arrangement. Ang promissory note naman kasi natin ay case-to-case basis and this is anywhere between 2-6 months," ani Manila Water spokesperson Jeric Sevilla.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.