Mga gwardya, nagpalipas ng magdamag para maasikaso ang lisensya sa Camp Crame

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2020 06:26 PM

TINGNAN: Nagpalipas ng gabi sa labas ng Camp Crame sa Quezon City ang ilang security guards na mag-aapply ng kanilang security license. Lyza Aquino, ABS-CBN News

MAYNILA — Nagpalipas na ng gabi ang ilang mga guwardiya at mga pribadong indibidwal sa labas ng Camp Crame, Quezon City na mag-aasikaso ng kanilang mga lisensya at iba pang dokumento. 

Paliwanag ng Civil Security Group, naging limitado ang mga taong pwedeng papasukin sa one-stop shop dahil sa banta ng coronavirus disease (COVID-19). 

Ayon kay Police Major General Roberto Fajardo, director ng Philippine National Police Civil Security Group, bago magpandemiya, nasa 700 aplikante ang naasikaso nila sa isang araw. 

"Actually, hindi sila puwedeng pumila doon kasi pinapaalis namin sila 'pag gabi. Eh 'yung iba kasi, gustong mauna kaagad. Eh, kaya mahaba ang pila, kasi nga, gusto nila mauna kaagad sa pila. Hindi naman gano'n. Kailangan sa umaga. Hindi naman puwedeng magbigay ng number sa gabi,” ani Fajardo.

Para maipatupad ang physical distancing, 200 tao lang ang pwedeng papasukin sa one-stop shop sa Crame. 

Sa one-stop shop inaasikaso ng mga guwardiya at security agency ang lisensya sa trabaho at baril. 

Dito rin kumukuha ng permit to carry outside of residence ang mga pribadong indibidwal at isinasagawa ang neuro-psychiatric examinations, drug testing, pagbabayad sa Landbank, at iba pa. 

May online schedule pero kailangan pa ring personal na magpakita ang mga aplikante. 

Gagawan ng paraan ng Headquarters Support Service upang hindi na pumila magdamag sa labas ng kampo ang mga guwardiya.

Nagpapapasok sa one-stop shop simula 7:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.