Higit 300 bilang ng lumabag sa Navotas lockdown

Raya Capulong, ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2020 04:41 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA—Umabot na sa 349 ang bilang ng mga residenteng lumabag sa protocol sa unang araw ng lockdown sa Navotas City Huwebes. 

Ayon kay Mayor Toby Tiangco, ang mga nahuling residente ay lumabag sa mga ordinansa ukol sa pagsusuot ng face mask, pagsunod sa 1 hanggang 2 metrong physical distancing o hindi pagkukumpulan, 24 oras na curfew ng mga batang wala pang 18 taong gulang, at iba pang patakaran ng community quarantine. 

Umaapela ang alkalde sa mga residente na sumunod sa mga protocol para mapabagal ang pagtaas ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa lungsod. 

Ang paglalagay aniya ng limitasyon sa galaw ng mga tao ay makatutulong para mapigilan ang pagkalat ng virus. 

Marso 28 nang unang makapagtala ng isang kaso ng COVID-19 sa lungsod. Sa ngayon, umabot na sa mahigit 1,000 ang naapektuhan ng sakit.