'Daluyong kinakaharap ng ABS-CBN matindi pa sa bagyong Yolanda': Ranulfo Docdocan

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2020 02:07 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA – Inihalintulad ng isa reporter ng ABS-CBN Tacloban sa bagsik ng bagyong Yolanda ang daluyong na kasalukuyang kinakaharap ng Kapamilya network matapos na hindi na mabigyan ng bagong prangkisa na makapag-operate. 

“Ito 'yung bagyo na siguro mas matindi pa kay Yolanda. Napakahirap yung bagyong ganito na bigla ka lang sasabihan na wala na pagkatapos ng ilang taon ito yung mangyayari,” pahayag ni Ranulfo Docdocan. 

Isa si Docdocan sa naideploy noon ng ABS-CBN sa bayan ng Guiuan sa Eastern Samar para magbalita ng epektong idudulot ng magiging hagupit noon ng bagong Yolanda sa lugar. 

Ang nasabing bayan ang unang lugar na sinalanta ng bagyong Yolanda noong taong 2013. 

Pero dahil sa iniwang epekto ng bagyo, kinailangan nila Docdocan na lakarin pabalik ang Tacloban City dala ang nakuha nilang mga materyales. 

“Talagang nagsumikap kami na makabalik maliban sa pamilya namin, dala-dala namin 'yung video, 'yung materials para maipakita sa gobyerno, sa lahat ng tao sa mundo na ito 'yung sitwasyon, na ito 'yung nangyari nang tumama ang bagyong Yolanda sa Guiuan, Samar,” sabi niya. 

Batid naman aniya nila ang peligrong dala ng bawat assignment tulad ng coverage ng bagyo. 

“Nandito na tayo sa serbisyo para sa tao. Hindi pa dumarating 'yung bagyo nauuna pa tayo sa bagyo para maibalita 'yung sitwasyon sa isang lugar. Kailangan nating maipakita ang sitwasyon sa isang lugar lalo na 'yung tinamaan ng first landfall ng bagyong Yolanda noon,” banggit niya. 

Ngayong taon ipinagdiriwang ni Docdocan ang kaniyang ika-13 taong serbisyo sa ABS-CBN. Pero hindi niya akalaing ito rin pala ang taong tutuldukan ang sabi niyang pinangarap na trabaho. 

Ito ay matapos desisyunan ng 70 mambabatas na huwag bigyan ng bagong prangkisa ang ABS-CBN.

“Siguro mas matatanggap ko pa na mas malakas 'yung na cover nating bagyong Yolanda pero, ito yung bagyo ngayon na mas super pa siya, marami 'yung mawawalan ng hanap-buhay, mawawalan ng impormasyon, mawawalan ng kasiyahan,” sabi niya. 

Isa si Docdocan sa mga libu-libung mawawalan ng trabaho sa susunod na buwan dahil hindi sumapat sa Kongreso ang mga paliwanag at paglilinaw ng mga opisyal ng network at maging ng mga regulatory body ng pamahalaan sa mga ibinatong alegasyon laban sa kumpanya habang dinidinig ang aplikasyon nito para sa bagong prangkisa. 

“Wala namang perpektong tao. Walang perpektong korporasyon, kahit 'yung gobyerno hindi perpekto. Siguro kung may nakitang mali bakit hindi pag-usapan, magawan ng paraan at sana inalala nila kapakanan ng mga empleyado at kapakanan ng mga umaasa sa ABS-CBN. May mga lugar na tayo lang ang nakakaabot doon lalo na kung may kalamidad,” paliwanag niya. 

Aniya, sana lamang ay naisaalang-alang ng mga bumoto laban sa prangkisa ng ABS-CBN ang kapakanan ng mga empleyado at mga umaasa dito. 

“Hanggang sa ngayon, hindi pa nagsi-sink in 'yung mga kasunod na mangyayari. Paano na 'yung iba nating empleyado na dito lang umaasa? Paano 'yung mga pamilya? Dahil sa patuloy nating nararanasan super bagyo,” tanong niya. 

Nagsimula sa ABS-CBN si Docdocan taong 2007 bilang cameraman hanggang sa naging reporter at anchor. 

“Ito yung pinangarap kong trabaho na hinuhubog tayo para makatulong sa iba. Nakakataba ng puso na nabigyan tayo ng pagkakataon na maging boses ng mga taong nangangailangan, naging tulay tayo sa iba’t ibang problema para masolusyunan,” sabi niya. 

Dagdag niya: “Ito 'yung bagay na talagang naibigay na pagkakataon na maibigay ang serbisyo sa mga tao at dahil yan sa ABS-CBN.” 

Sa Agosto 28 na ang huling pagsasahimpapawid nila sa ABS-CBN Tacloban.