ABS-CBN retrenchment malaking dagok sa buhay ng regional reporters

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2020 06:48 PM

ABS-CBN employees and supporters hold a noise barrage outside company headquarters in Quezon City on July 15, 2020, 5 days after the House Committee on Legislative Franchise denied the company's franchise application. Gigie Cruz, ABS-CBN News

MAYNILA – Nagpahayag na ng saloobin ang ilang mga Kapamilya reporter mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa hinggil sa nalalapit na pagsasara ng Regional Network Group ng kumpanya matapos na bumoto pabor ang ilang mambabatas na di bigyan ng prangkisa ang ABS-CBN.

Para sa kanila, bagamat isang malaking dagok sa kinabukasan ng kanilang pamilya at sa mga hinahatirang serbisyo ng network ang mawalan ng trabaho lalo na’t sa panahon ng pandemya, itinuturin pa rin nilang malaking oportunidad ang makapagtrabaho at makapagbigay ng public service sa mga Pilipino.

Watch more in iWant or TFC.tv

“Hindi siguro alam ng karamihan na maliban sa news, we have monthly public service activities na ginagawa sa iba’t ibang areas. Medical mission, job fairs, soup kitchen kapag may binabaha, may sunog, we visit mga far-flung areas na mga residente mismo hirap silang makapunta sa bayan para magpa-checkup,” pahayag ni Queenie Casimiro ng ABS-CBN Zamboanga.

Kaagapay din ng milyon-milyong Pilipino ang ABS-CBN hindi lamang sa paghahatid ng mga balita, kasiyahan, at impormasyon kundi maging sa tulong sa panahon ng krisis at sakuna.

Watch more in iWant or TFC.tv

“Nandito na tayo sa serbisyo para sa tao. Hindi pa dumarating yung bagyo nauuna pa tayo sa bagyo para maibalita yung sitwasyon sa isang lugar,” ayon naman kay Ranulfo Docdocan ng ABS-CBN Tacloban.

Nitong nakaraang Biyernes, pinatay ng House franchise committee ang license renewal ng ABS-CBN sa botong 70-11. Karamihan sa mga bumoto para sa tuluyang pagpapasara ng free television at radio services ng kumpanya ay mga kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte, na makailang beses nang nagbantang ipasasara ang network.

Dahil dito, higit sa 11,0000 manggagawa ng ABS-CBN ang wala nang babalikan pang trabaho matapos ang Agosto 31.

Ieere sa huling pagkakataon ang mga news program ng ABS-CBN sa mga rehiyon sa Agosto 28.

Kahit pa pawang nahihirapan, nais nilang damayan din ang ibang Kapamilya na tulad nilang mawawalan ng pagkunan ng ipangtataguyod sa mga pamilya.

Watch more in iWant or TFC.tv

"Iniisip ko rin po ‘yung mga kasama ko kasi, karamihan walang trabaho ‘yung misis tapos may mga anak pa, nasa elementary," sinabi ni Francis Canlas ng ABS-CBN Central Mindanao.

Hindi nila inaasahan na ang may ilang taon nilang pinaghirapan at isinakripisyong trabaho “in the service of the Filipino” ay may taning na nang hanggang katapusan na lamang ng Agosto.

"Hanggang ngayon masakit pa rin sa amin, sa mga kasamahan ko... Sinasabi nila, in the middle of their sleep, nagigising sila, umiiyak because of this," ani ABS-CBN Bacolod reporter Martian Muyco.

Watch more in iWant or TFC.tv

"Ngayon pa nga lang sobrang hirap na... Paano na lang 'pag tuluyan nang mawala? Paano sila? Paano iyong kabuhayan nila, paano iyong pamilya nila?" dagdag niya sa panayam ng TeleRadyo.

Ito rin ang pag-aalala ni Hernel Tocmo ng ABS-CBN Davao.

“Medyo nakakaawa lang din sa mga kasamahan ko, especially ‘yong may edad na, sinasabi nila na paano na lang daw sila nahihirapan na silang maghanap ng trabaho lalo na ngayong pandemic sa kanilang kasalukuyang edad,” ani Tocmo.

Watch more in iWant or TFC.tv

Para kay Jose Carretero ng ABS-CBN Legazpi, ang naging desisyon ng 70 mambabatas ay para na ring tinanggalan sila ng “karapatan na maibigay sa pamilya namin ‘yung magandang buhay na deserve po nila.”

Watch more in iWant or TFC.tv

Doble dagok naman ito para kay Elaine Fulgencio ng ABS-CBN Dagupan dahil siya at kaniyang asawa na nagtatrabaho sa ABS-CBN Baguio ang parehong mawawalan ng trabaho ngayon.

“‘Yong asawa ko naghahanap na ngayon ng pwedeng maging trabaho kasi kailangan talaga lalo’t may baby na nga na bubuhayin. Kailangan makapaghanap agad ng work at makapag-ready para mabigay pa rin ang mga pangangailangan," dagdag pa niya.

Watch more in iWant or TFC.tv

Tiniyak naman ng ABS-CBN na ginagawa nito ang lahat para maibsan ang sakit na nararamdaman ng bawat Kapamilyang maaapektuhan ng pagbabawas ng empleyado ng kumpanya.

"Mahirap na pakawalan ang aming mga Kapamilya sa panahong walang kasiguruhan at puno ng pangamba dahil sa COVID-19, ngunit ito ay isang desisyong kailangan naming gawin. Bagama’t masakit, ito lamang ang paraan upang matiyak pa ang trabaho ng ibang mga Kapamilya," sabi ng istasyon sa isang pahayag, Miyerkoles.

"Ipinagdarasal namin ang mga mawawalan ng hanapbuhay at ang kanilang mga pamilya. Sana’y pagkalooban kayo ng lakas ng loob sa pagharap sa mga darating na pagsubok. Lubos kaming nagpapasalamat sa lahat ng inyong ginawa para sa ABS-CBN. Maraming salamat po, Kapamilya."