89-anyos na ama patay sa saksak ng kaniyang 64-anyos na anak

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2020 03:50 PM | Updated as of Jul 17 2020 10:16 PM

Kinilala anya ang suspek na si Arnelito Aldiz, 64, habang ang biktima naman ay ang ama nitong si Roberto Aldiz, 89. Retrato mula sa QCPD


MAYNILA — Patay nitong Biyernes ang isang lalaki matapos gawing hostage at saksakin umano ng kaniyang sariling anak sa Quezon City.

Parehong senior citizen ang mag-ama. 

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) station 2 commander Col. Richie Claravall, bandang alas-8 ng umaga nang tumawag sa kanila ang Barangay Del Monte na may nangyayaring hostage taking sa lugar.

Kinilala anya ang suspek na si Arnelito Aldiz, 64, habang ang biktima naman ay ang ama nitong si Roberto Aldiz, 89.

Pagdating ng mga pulis ay nakita nilang duguan at wala nang buhay ang biktima na pinagsasaksak umano ng suspek sa loob ng kanilang bahay.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nang pasukin na ng pulisya ang bahay ay nagpaputok umano ng baril ang suspek kaya napilitan silang lumaban sa suspek.

Tinamaan ng bala sa balikat ang suspek kaya dinala na ito sa ospital.

Napag-alaman na dating tanod pala ang suspek. 

Away sa mana o pera ang tinitingan anggulo ng pulisya sa krimen.

—Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.