VP Leni tiwalang maitutuloy ang mga proyekto

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2019 09:06 PM | Updated as of Jul 18 2019 12:36 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa gitna ng termino ni Bise Presidente Leni Robredo, haharapin niya at ng mga kaalyado niya ang supermajority ng administrasyon sa parehong sangay ng Kongreso. 

Matapos ang halalan noong Mayo 13, apat na senador at 18 na kinatawan sa Kamara ang kaniyang mga kaalyado. Sa harap ng itinuturing na supermajority bloc sa parehong sangay ng Kongreso, tila mahina ang boto ng mga kaalyado ni Robredo. 

Gayunman, kumpiyansa si Robredo, maging ang kaniyang mga kaalyado sa pagbubukas ng 18th Congress sa susunod na linggo.

"Alam namin na approaching 2022 mas magiging grabe ang politika," ani Robredo.

"Tingin ko mas magiging madali din for us kasi na-experience na namin 'yong difficulty during the first three years," dagdag niya. 

Aminado si Robredo na sa unang tatlong taon niya bilang pangalawang pangulo ay hindi naging madali ang pagtupad ng kaniyang pangako dahil sa budget. 

"Wala kaming sariling budget to implement programs but we were able to reinvent ourselves,” ani Robredo.

Dahil dito, itinayo ng bise presidente ang programang Angat Buhay, kung saan kinokonekta ang mga pribadong kompanya sa mga malalayong komunidad para tumulong sa mga nangangailangan.

"Ito 'yung community, gusto naming tulungan, ito 'yung project nila, are you willing to fund it? In other words hindi siya kontento na ceremonial 'yung functions na gagawin," ani Barry Guttierez, tagapagsalita ni Robredo. 

"In other words, hindi siya naging kontento na ceremonial functions lang 'yung gagawin,” dagdag niya. 

Ayon sa Office of the Vice President (OVP) nakapagbigay na sila ng housing, education, at livelihood projects para sa 400,000 Pilipino sa buong bansa sa tulong ng 250 organisasyon. 

Ito rin daw ang nagbigay-daan para mabigyan ni Robredo ng tig-P50,000 ang 22 mangingisdang nasa bangkang nabangga at inabandona umano ng Chinese vessel sa dagat malapit sa Recto Bank.

Tingin naman ng political analyst na si Ranjit Rye, mahalaga ang papel ng oposisyon sa kabila ng umano'y "supermajority" sa Kongreso. 

"Amidst the growing consensus around the president, it would be good for democracy to have a dissenting voice," ani Rye. 

Sa gitna umano ng tumitinding politika, ang tunay umanong hamon para kay Robredo sa nalalabing oras ng kaniyang termino ay ang mga pangako niya sa mga nasa "laylayan ng lipunan." 

-- Ulat ni Katrina Domingo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.