RTC judge natangayan ng P40,000 cash, singsing sa Pasay gym

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2019 01:59 PM

MAYNILA -- Aabot sa P40,000 cash at iba pang mahahalagang gamit ang natangay sa isang judge mula Taguig Regional Trial Court (RTC) habang siya ay nag-eehersisyo sa isang gym sa Pasay City noong Martes.

Kinilala sa ulat ng Pasay police ang biktima bilang si Bernard Bernal, 41, executive judge ng Taguig RTC Branch 74.

Kabilang sa mga natangay kay Bernal ang kaniyang wallet, P40,000 cash, diamond ring na nagkakahalagang P275,000, driver's license, credit card, at Integrated Bar of the Philippines card.

Dumating sa gym si Bernal bandang alas-3:45 ng hapon at iniwan ang kaniyang mga gamit sa isang locker, na ni-lock niya gamit ang key card, ayon sa ulat ng pulisya.

Nang balikan ni Bernal bandang alas-5:00 ng hapon, natagpuan niyang bukas ang locker at wala na ang kaniyang mga gamit, sabi ng pulisya.

Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon at follow-up operation ang Pasay police. 


—Ulat ni Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.