Protected slope ng dam, ikinababahalang gumuho

Joanna D. Tacason, ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2019 08:25 PM

Nabakbak ang gilid ng protected slope ng Bakit-bakit dam sa Rosales, Pangasinan dahil sa patuloy na pag-ulan. Nakatakdang isailalim sa rehabilitasyon ng dam sa taon ding ito. Joanna D. Tacason, ABS-CBN News

ROSALES, Pangasinan – Pinapangambahan ang tuluyang pagguho ng nagkabakbak na protected slope ng Bakit-bakit Dam sa nasabing bayan dahil sa patuloy na pag-ulan dulot ng bagyong Falcon at habagat.

Unti-unti nang nilalamon ng malakas na agos ng tubig ang ilang natibag na bahagi ng protected slope.

Paliwanag ng Lower Agno River Irrigation System Program head ng National Irrigation Administration Office, nakatakda nang gawin ang rehabilitasyon ng dam ngayon taon.

Iibahin ang disenyo nito at gagawing electro-mechanical ang operation nito.

“Concerned din kami sa possible effect sa mga nakatira doon. Mas modernized yun. Since marami na ang tao, we are adjusting…itataas ang platform...luluwangan ang pier,” paliwanag ni Eng. Wilson Lopez.

Pero habang hindi pa isinasagawa ang rehabilitasyon ng Bakit-bakit dam, ibinabalak ng NIA na tanggalin ang lahat ng debris mula sa Banila River papunta sa dam para maiwasan ang pag-apaw ng tubig nito.

Samantala, binabantayan naman ngayon ng Agno-River Flood Forecasting and Warning System Office ang lagay ng mga pangunahing ilog sa Pangasinan dahil sa patuloy na pag-ulan.

“Nasa below normal level pa sila. Sa ngayon, wala pang dapat ikabahala,” sabi ni Eng. Greg de Vera.

Inaasahan namang unti-unti nang lalabas ng bansa ang bagyong Falcon sa Biyernes pero inaabisuhan pa rin ang publiko na mag-ingat lalo na ang mga nakatira sa low-lying areas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.