P8.8-M halaga ng 'shabu' nasamsam sa Cebu City

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2019 07:18 AM

CEBU CITY - Nasamsam ang P8.8 milyong halaga ng hinihinalang shabu mula sa isang babae sa ikinasang buy-bust operation sa lungsod na ito, Martes ng gabi.

Nakuha ng pulisya ang higit 1 kilo ng droga sa loob ng isang paper bag sa bahay ng suspek.

Ayon kay Police Major Dindo Alaras, hepe ng Police Station 9, lumabas ang pangalan ng babae sa kanilang interrogation ng mga naarestong suspek kaugnay ng ilegal na droga.

Nakatanggap din ng report ang pulisya mula sa mga kapitbahay ng babae ukol sa mga umano'y ilegal na operasyon nito. 

Pero ayon sa nadakip na babae, hindi siya sangkot sa ilegal na droga at wala siyang ideya na shabu pala ang laman ng paper bag na inilagay ng kaniyang nobyo sa bahay niya.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.

--Ulat ni Jude Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.