Mga magsasaka sa Isabela, Cagayan itinuring na 'biyaya' ang bagyong Falcon

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2019 07:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Malalakas na pag-ulan pa rin ang mararanasan sa Zambales at Bataan hanggang Huwebes ng gabi bunsod ng pananalasa ng bagyong Falcon, ayon sa state weather bureau PAGASA. 

Kung magpapatuloy ito hanggang Huwebes, inaasahan din ang mga pagbaha lalo na sa mga bayan na nasa hilagang bahagi ng 2 probinsiya.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa Noveleta, Cavite naman, gumuho ang isang bahagi ng protection dike kaya pinangangambahang ng mga lokal na opisyal na bumaha sa kanilang lugar.

Ito ay dahil may lalagusan na ang tubig mula sa ilog, lalo't tumataas na ito dahil sa patuloy na pag-ulan.

Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, posibleng maapektuhan ng pagbaha ang mga barangay ng San Juan 1, San Juan 2, San Rafael 3, at San Rafael 4.

Sa ngayon, tulong-tulong na ang mga residente sa paglalagay ng mga sandbag na pangharang sa baha.

Pero sa Isabela at Cagayan, imbes na mamroblema ay nagpapasalamat pa ang mga magsasaka sa "biyayang" dala ng ulan.

Watch more in iWant or TFC.tv

Matatandaang sa Cagayan nag-landfall ang Falcon pero nitong Miyerkoles ay nakabalik na ng kanilang bahay ang mga binahang residente sa bayan ng Gattaran.

Para sa mga magsasaka, biyaya ang bagyo sa kanilang mga taniman. Nagpapasalamat din ang mga nagtatanim ng palay at mais sa Isabela.

"Very beneficial sa farming at agriculture ang ulan lalo na sa rain-fed areas na umaasa lang talaga sa tubig-ulan," ani Loreta Aguilar, municipal agriculturist ng Echague, Isabela.

Pinangangambahan naman ang pagguho ng protected slope ng Bakit-Bakit Dam sa Rosales, Pangasinan.

Sa Pasacao, Camarines Sur, stranded ang 16 na pasaherong papuntang Burias Island.

Ramdam din ang habagat sa bahagi ng Visayas at Mindanao.

Sa Negros Occidental, iniligtas ang 4 na mga mangingisda matapos tumaob ang kanilang sinasakyang bangka.

Binaha rin ang 5 bayan sa Lanao del Norte dahil sa walang-tigil na ulan mula noong Lunes.
    
Pinapayuhan ang mga residente na nasa baybayin at mabababang lugar na kusa nang lumikas hangga't maaga. —Ulat nina Joyce Clavecillas, Ron Gagalac, at Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.