Mga kawani ng gobyerno binigyan ng PWD-sensitivity training

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2019 09:00 PM

Isinailalim sa pagsasanay ang mga kawani ng gobyerno sa wastong pakikitungo at pagbibigay ng tamang serbisyo sa mga may kapansanan o ang persons with disability (PWD).

Kaakibat nito ang pagdiriwang ng National Disability Prevention and Rehabilitation Week, na layong magbigay-linaw sa tamang pakikitungo sa mga PWD.

Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority noong 2010, aabot sa 1.4 milyon ang bilang ng PWD sa bansa.

Sa seminar, ibinahagi ng ilang PWD at kanilang pamilya ang kanilang karanasan. Kabilang na rito si Josephine De Vera na aminadong nakakaranas pa rin ng pag-aapura sa kabila ng cerebral palsy.

"Mabagal akong gumalaw tapos inaapura ka. Yung sa elevator at CR nakapaskil na doon na for PWD only pero nakikipagsiksikan pa rin ang mga abled persons," ani De Vera.

Nagbahagi rin ang ilang eksperto ng mga tips kung paano dapat pakitunguhan ng isang government employee ang taong may kapansanan, gaya ng pakikipag-eye contact sa mga taong naka-wheelchair.

May mga pribilehiyo ang mga PWD sa ilalim ng Magna Carta for Disabled Persons gaya ng exemption sa value added tax, bukod pa sa diskuwentong nakukuha sa ilang produkto at serbisyo.

Pero anila, higit pa sa mga prebilihiyo, pinakamahalaga ay ang pagtanggap sa kanila bilang mga produktibong mamayan sa lipunan.

--Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.