Lamay sa Kalinga inararo ng SUV; 14 sugatan

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2019 07:14 PM

Sugatan ang 14 na tao matapos silang araruhin ng isang SUV sa kalagitnaan ng lamayan sa Tabuk City, Kalinga noong Linggo ng tanghali.

Ayon sa mga nasa burol, nagulantang sila sa pagsalpok ng SUV kaya hindi na rin sila nakailag.
     
Ang isa sa mga biktimang si Jedry Thomas, sa ospital na nagkamalay na namamaga pa ang kanang mukha. 

Sabi niya, sa bumper ng sasakyan na siya nahugot ng mga tumulong.

Sa ilalim din ng bumper natagpuan ang biktimang si Mayanie Paga. Pero mas inaalala niya ang anak, na nagtamo ng second degree burns.

Sabi ni Paga, nang mabangga sila ay nasagi rin ng SUV ang mesa na lalagyan ng mainit na tubig at nabanlian ang kaniyang anak. 

Nabali naman ang kanang paa ni Anto Dangangao, Sr. dahil sa insidente.

Sa kabuuan, 14 ang nasugatan at ang ilan ay nagpapagaling pa rin sa Kalinga Provincial Hospital.

Hawak na ng Tabuk City police ang ginang na driver ng SUV at nangako naman itong tutulong sa pagpapagamot sa mga biktima.

"Hindi ko alam kung paano nangyari... It was never my intention kaya humihingi ako ng dispensa," ayon kay alyas "Mimi."

Sabi ng driver, ilang araw siyang puyat dahil may pumanaw din umano siyang kaanak.

Nagbigay na rin siya ng baboy alinsunod na rin sa tradisyon ng mga taga-Kalinga sa pagnanais na maresolba ang insidente sa mapayapang paraan at maiwasan ang away ng mga tribo. —Ulat ni Harris Julio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.