Lalaki napatay ng pinsan dahil sa pagtatalo sa pagtanim ng puno

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2019 02:06 AM

ILOCOS NORTE—Patay ang isang lalaki matapos hampasin ng tubo ng kaniyang pinsan sa Barangay Caparispisan, Pagudpud, Ilocos Norte Linggo ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Donald Duquez, 33 anyos. Arestado ang kaniyang pinsan na si Arnel Roberto, 34 anyos.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, biglang pinalo ng suspek ang biktima sa leeg nito habang nakikipag-usap ito sa kaniyang mga kaanak.

Nakauwi pa si Duquez sa kaniyang tahanan pero binawian ng buhay matapos ang ilang oras.

Bago ang insidente, nag-inuman ang magpinsan at nagkasagutan kung sino umano sa kanila ang mas magaling magtanim ng puno ng Agoho.

Tumangging magbigay ng pahayag si Roberto na nasampahan na ng kasong homicide.—Ulat ni Grace Alba, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.