Ilang puno sa Negros Occidental nabuwal dahil sa bagyong Falcon

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2019 01:41 AM

Mark Salanga, ABS-CBN News

NEGROS OCCIDENTAL—Nabuwal ang ilang puno sa Negros Occidental nitong Martes dahil sa malakas na hangin at ulan na dala ng bagyong Falcon.

Nadaganan ng kahoy ang 2 sasakyan sa Talisay City habang nagdulot naman ng trapik ang mga natumbang kahoy sa Bacolod City.

Hindi pa matiyak ng Talisay City Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) kung buhawi o ipo-ipo ang tumama sa lungsod.

"Meron po kaming report na multiple o maraming kahoy ang nabuwal along the highway," ani Talisay City DRRMO head Geoffrey Gutierrez.

Kanselado naman ang klase sa ilang parte ng Negros Occidental dahil sa pag-ulan at pagbaha. Pinasok din ng baha ang ilang bahay sa bayan ng Valladolid at San Enrique.—Ulat ni Mark Salanga, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.