Ilang mga bayan sa Lanao, lubog sa baha dahil sa bagyong Falcon

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2019 07:18 PM

Isa ang bayan ng Bacolod-Kalawi sa mga binahang lugar sa Lanao del Sur dahil sa pag-ulang dala ng bagyong Falcon. Larawan mula sa Bacolod Kalawi Municipal Disaster Risk Reduction Management Office

Ilang mga bayan sa lalawigan ng Lanao del Norte at Lanao del Sur ang naapektuhan ng pagbaha dahil sa walang tigil na pag-ulang dala ng bagyong Falcon.

Lumubog sa baha ang mga bahay at mga estraktura sa mga bayan ng Lala, Kapatagan, Sapad, Sultan Naga Dimaporo at Salvador sa Lanao del Norte noong Martes.

Nakadagdag sa paglaki ng tubig ang pag-apaw ng irrigation sa mga bayan ng Lala at Kapatagan. 

Ayon kay Mayor Angel Yap, malaking pahirap din sa kanila ang hindi maayos na drainage ng lungsod. 

“Mula noong bagyong Vinta, nasira ang drainage natin. Napuno kasi ng putik,” sabi ni Yap. 

Kaniya-kaniyang gawa na rin umano ng drainage ang mga establisyamento kaya hindi maayos ang daloy ng tubig.

Bago humupa ang baha, nasa 38 mga bahay ang nasira sa buong probinsya. Umabot naman sa 3,000 pamilya ang inilikas sa mga municipal gym. Bagama’t hindi pa pinayagang umuwi, umalis na ang ilan sa kanila nang tumila na ang ulan.

Isinailalim na ang mga apektadong lungsod sa state of calamity at suspendido rin muna ang klase.

Sa Lanao del Sur, apektado rin ang bayan ng Calanogas kung saan natabunan ng gumuhong lupa ang isang barangay road.

Nabuwal din ang mga puno sa gilid ng daan sa bayan ng Tugaya.

Binaha rin ang mga bayan ng Taraka at Bacolod-Kalawi kung saan putik at malalaking bato ang dala ng baha.

Wala namang naiulat na namatay sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.