Bangkay ng Grade 9 student natagpuan sa ilog sa CDO

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2019 02:04 AM

CAGAYAN DE ORO—Patay na nang makita Lunes ng umaga ang isang nawawalang Grade 9 student sa Cagayan de Oro. 

Natagpuan ng isang residente ang bangkay ni Ronald Binalayo na palutang-lutang sa Iponan River.

Ayon sa pamilya ng biktima, nagpaalam si Ronald noong Linggo na sasama sa kaniyang mga kaklase na pupunta sa tabi ng ilog malapit sa kanilang bahay sa Barangay Pagatpat.

"Kukuha daw sila ng mga kawayan para dadalhin nila sa paaralan sa Lunes. Pero bandang ala-1 ng hapon, pumunta sa bahay ang kaniyang mga ka-klase at sinabihan kami na nawawala daw si Ronald habang tumatawid sila sa ilog," ani Rommelo, tatay ng biktima.

Ayon kay Police Master Sgt. Senador Ostero ng Police Station 7, posible umanong nahulog ang biktima sa malalim na bahagi ng ilog at tinangay ng agos.

"Hindi rin siya marunong lumangoy," aniya.

Paalala ng pulisya, huwag pabayaan ang mga menor de edad na pumunta sa mga ilog kung walang kasama na nakatatanda lalo't tag-ulan at malimit na tumataas ang lebel ng tubig.

Magsasagawa naman ng imbestigasyon ang Department of Education (DepEd) sa pangyayari.—Ulat ni Rod Bolivar, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.