MAYNILA (UPDATE) -- Nasugatan ang 5 estudyante matapos saksakin ng kanilang kaeskuwela sa loob ng Batasan National High School sa Quezon City noong hapon ng Martes.
Awayan sa larong basketball ang ugat ng rambulan sa pagitan ng suspek at ng mga biktima, na may mga edad 15 pataas, ayon kay Police Lt. Col. Joel Villanueva, hepe ng Quezon City Police District (QCPD) Station 6.
Isinugod sa East Avenue Medical Center ang mga biktima matapos saksakin ng suspek gamit ang isang kutsilyo.
Inaalam din ng pulisya kung may kapabayaan sa seguridad ang eskuwelahan.
Tumanggi munang magbigay ng pahayag ang pamunuan ng Batasan National High School habang nagsasagawa pa ng imbestigasyon.
Handa raw makipagdayalogo ang pamunuan ng paaralan sa QCPD para sa pagpapaigting ng kanilang seguridad.
Inihayag naman ng Department of Education-National Capital Region (DepEd-NCR) na nagsasagawa rin sila ng sariling imbestigasyon sa nangyari.
Tiniyak ng DepEd-NCR na ginagawa nila ang lahat para matiyak na hindi na mauulit ang kaparehong insidente sa lahat ng mga eskuwelahan.
Sasailalim sa inquest proceeding sa piskalya ang suspek, na dadalhin sa Department of Social Welfare and Development, ayon sa QCPD.
-- Ulat nina Lyza Aquino at Doland Castro, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, krimen, stabbing, pananaksak, Quezon City, Quezon City Police District