3 patay sa pananaksak sa Davao City

Cheche Diabordo, ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2019 11:46 AM

Narekober ng pulisya ang ginamit na kitchen knife ng suspek na live-in partner ng isa sa mga biktima.

DAVAO CITY – Patay sa pananaksak ang 2 magkapatid at kaibigang nakitulog lamang sa kanilang boarding house sa Sunrise Village sa Matina sa lungsod na ito Miyerkoles ng umaga.

Ang magkapatid na sina Jessa May at Jesybell Abitona at kaibigan si Caryl Jiff Salianon ay pawang nagtamo ng maraming saksak sa katawan, karamihan ay sa likod.

Ang itinuturong suspek sa pamamaslang ay ang live-in partner ni Jessa May na si Daryl Aguilar.

"Nakatanggap ako ng chat mula sa Facebook mula mismo kay Daryl na nagpatawag siya ng pulis dahil napatay niya umano sina Jessa, kaya agad itong pinuntahan ng aking asawa na si Michael," ayon sa landlady ng boarding house.

Ayon sa kasamahan ng mga biktima sa bahay, ala-1 ng madaling araw nang dumating ang suspek at hinahanap umano ang kaniyang pantalon.

Doon na nakarinig ng mga malalakas na kalabog at pagsigaw na pinaniniwalaang mula kay Jesybell.

Samantala, dinala naman sa ospital ang suspek matapos nitong saksakin ang kaniyang sarili.

Narekover mula sa crime scene ang isang kitchen knife at sling bag na may lamang baril.

Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang awtoridad para mabatid kung ano ang naging motibo ni Aguilar sa pamamaslang sa mga biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.