2 nagpanggap na taga-Customs timbog sa 'puslit-items' modus

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2019 05:57 PM | Updated as of Jul 18 2019 01:02 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA—Arestado ng pulisya ang 2 miyembro umano ng sindikato na nagpapanggap na taga-Bureau of Customs (BOC) at nag-aalok ng pagpupuslit ng items mula sa mga bodega nito.

Kinilala ang mga suspek na sina Primo Baldon at Richard Lagrolia, na natimbog sa ikinasang entrapment operation ng Criminal Investigation and Detection Group-Anti-Transnational Crime Unit (CIDG-ATCU).

Nagreklamo kasi sa CIDG si alyas "Christian," na na-scam umano ng grupo na nagpakilalang mga empleyado ng BOC.

Ayon sa biktima, nais niyang bumili ng luxury car noong Mayo at tiyempong may nag-alok nito sa Facebook. Ayon sa seller ay puslit daw sa Customs ang iniaalok na kotse.
    
Dahil mas mabilis makuha at halos pareho lang ang presyo ng nais na kotse, kumagat sa alok si Christian.

Ibinigay ng biktima ang P3 milyong bayad at pinaghintay siya habang ipinoproseso daw ang papeles at sasakyan sa loob ng Customs.

"Nung mga 15 minutes na, wala na, hinanap ko na. Hindi ko na siya nakita. Iyung number tinawagan ko hindi ko na makontak," anang biktima.

Dito na humingi ng tulog si Christian sa CIDG.

"Nagtanong kami sa Customs to verify kung 'yung mga pangalan na nabanggit ay talagang empleyado... Very responsive, nakita natin na hindi sila empleyado doon," ani Police Col. Cesar Paday-os, hepe ng CIDG-ACTU.

Muling nakontak ng biktima ang 2 suspek at pumayag ang mga ito na makipagtransaksyon muli. Ang hindi nila alam, ikinasa na ng CIDG ang entrapment operation at doon na nahuli ang 2 scammers.

Ayon sa BOC, modus ng mga sindikato ang magpanggap na empleyado nila na kaya raw magpuslit ng mga gadgets, sasakyan, o appliances.

Paalala ng Customs, walang lehitimong transaksiyon na nangyayari sa labas ng opisina. Dagdag pa nila, inilalathala ang mga auction kaya doon na lamang maghanap ng nais na items.

Inaalam pa kung anong mga kaso ang isasampa sa 2 nahuling suspek.—Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.