13 kalaboso sa sari-saring drugs ops sa QC, Makati City

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2019 12:49 PM

MAYNILA — Timbog ang 13 tao sa Quezon City at Makati City sa sari-saring drug operations ng pulisya mula Martes ng gabi hanggang magdamag ng Miyerkoles.

Unang natimbog ng mga awtoridad si alyas "Ryan" na wala pang 1 taon nakakalaya mula sa kulungan. Ayon sa pulisya, inaresto si Ryan matapos mahuling nagbebenta ng 2 pakete ng shabu sa Everlasting Street sa Barangay Payatas.

Giit naman ng suspek, ipinadala lang ito sa kaniya ng isang kinilala niyang si "Jun." Nilagay umano sa styro ang shabu kaya inakala niyang pagkain lang ito.

"Di ko alam na shabu pala laman niyan," sabi ng suspek.

Sa Barangay Old Balara naman, nahulihan ng isang bloke ng marijuana ang 2 lalaki. Online umano nagbebenta ang mga suspek.

Sa Makati naman, sinuyod ng Makati City police ang madilim na eskinita sa Laperal Compound, Barangay Guadalupe Viejo.

Target ng operasyon si Mark Lester Periña, na isa sa mga hinihinalang tulak ng shabu.

Nang arestuhin, sinabi ng suspek na nagbago na siya at isa na siyang bantay bayan ng barangay matapos ipasok ng naluklok na kagawad.

"Nasa 3 weeks na po. Pinasok ako ng kagawad para magbago na ako... Kung kailan po kasi nagbago na ako, ganito pala kalalabasan sa akin," ani Periña.

Kasama niyang naaresto si alyas "Macbeth" na itinuturong tulak din ng droga sa lugar. Ayon sa kaniya, nagawa niya ang pagtutulak dahil sa amang may stroke.

Bukod sa 2, 8 na tao pa ang nahuli sa Makati City dahil sa droga.

Kumpiskado sa 12 suspek ang higit 100 mga pakete ng hinihinalang shabu.

Kakasuhan ang mga nahuli ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.


— Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.