Tangkang pagpatay sa ex-vice mayor ng Batangas, 'politika' ang motibo: pamilya

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2018 11:59 AM

Politika ang itinuturong dahilan ng pamilya Ramos sa tangkang pagpatay sa dating bise alkalde ng Sto. Tomas, Batangas na si Ferdinand Ramos.

Isang tama ng bala sa batok na tumagos sa kaliwang pisngi ang tinamo ni Ramos noong Sabado ng gabi.

Ayon sa ulat ng pulisya, galing simbahan si Ramos na papasok na sana sa kaniyang bahay nang barilin ng hindi pa nakikilalang mga salarin. 

Sa eksklusibong panayam sa isang kaanak ng biktima, sinabi nito sa ABS-CBN News na dati nang nakatanggap ng mga banta sa buhay si Ramos nang muli siyang kumandidato sa pagka-vice mayor noong 2016.

Nagsilbi si Ramos bilang vice mayor ng Sto. Tomas simula 2013 hanggang 2016.

"May death threat nga na hindi siya puwedeng bumoto, kasi pag bumoto siya papatayin siya. Iyun lang. 'Yun ang pinakahuli ko nang narinig. Hindi ko lang alam kung ano pa," ani alyas "Pinky," kaanak ni Ramos.

Nakaligtas sa pamamaril si Ramos at patuloy na inoobserbahan sa ospital ang kaniyang kalagayan.

Hiling ni Pinky ay hustisya sa nangyaring karahasan laban sa dating politiko.

Pero ipinagpapasa-Diyos na raw nila ang pagbibigay-parusa sa mga nasa likod ng krimen.

"Sana makonsensiya na lang kung ano man," aniya.

Ipinauubaya na ng pamilya Ramos sa Philippine National Police (PNP) ang imbestigasyon.
    

—Ulat ni Mariz Laksamana, ABS-CBN News

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.