SONASERYE: 'War on drugs' may epekto ba sa pagpapababa ng kriminalidad?

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2018 10:06 PM | Updated as of Jul 03 2019 01:02 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nakabuti nga ba sa kampanya kontra kriminalidad ang agresibong pagtugis ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pasimuno ng pagkakalat ng ilegal na droga sa bansa?

Sa nakalipas na dalawang taon kasi, kabi-kabila ang pagkamatay ng mga hinihinalang sangkot sa droga.
 
Sa opisyal na tala ng Philippine National Police (PNP), pumalo na sa higit 100,000 ang naaresto sa drug operations habang 4,320 naman ang napatay simula nang maupo si Duterte sa Malacañang.
 
Sa inilabas na Social Weather Stations (SWS) survey nitong Hunyo, aabot sa mahigit 1 milyong pamilyang Pilipino ang nagsabing "nabiktima" sila ng street crimes ngayong 2018.

Pero ayon din sa SWS, mas mababa ang crime rate nang isang porsiyento kumpara noong Disyembre 2017. 
 
Sabi ng PNP, bumaba nang mahigit 20 porsiyento ang bilang ng krimen sa buong bansa matapos umarangkada ang kampanya kontra droga o mas kilala bilang "war on drugs."

Gayunpaman, kaliwa't kanang batikos pa rin ang inabot ng Pangulo dahil bukod sa dami na ng napatay na drug suspects, hindi rin natupad ang pinangakong deadline sa kampanya. 

"Sinasabi niya 'isang taon, anim na buwan, pag hindi ko matanggal ang droga magre-resign ako' [pero] wala na, nakalimutan na iyon. Sino pa ang maniniwala sa kaniya? Sana aminin niya na hindi natupad [ang mga pangako niya]," ani Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo.
 
"Ano ba ang karanasan ng ibang bansa? Just a bloody, messy policy against drugs has not succeeded," ani dating Senador Rene Saguisag.
    
Naniniwala naman ang dating hepe ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Dangerous Drugs Board (DDB) na hindi gaya ng mga pusher sa kalsada, mahirap talagang masawata ang mga big time na supplier ng ilegal na droga.
 
"This is an international business...The President at a certain point is helpless...It is a question of case build-up," ani Dionisio Santiago.
 
Sa kabila naman ng kabuuang P21.1 bilyon halaga ng drogang nasabat simula Hulyo 2016, kilo-kilo pa ring droga ang nailulusot sa bansa ng international drug syndicates. 
 
Mula naman Mayo 2016, nasa mahigit 600 pulis na ang nahaharap sa mga kasong administratibo dahil sa human rights violations.

—Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.