Negosyanteng Indian, natagpuang patay sa Isabela

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2018 07:39 PM

SANTIAGO CITY, Isabela—Natagpuang patay ang isang negosyanteng Indian sa loob ng inuupahan niyang bahay sa Barangay Centro West sa lungsod na ito nitong Lunes ng hapon.

Kinilala ang biktima na si Jindi Singh, na nagtamo ng sugat sa ulo at mga saksak sa katawan.

Ayon sa pulisya, tinangka rin daw itong sunugin.

“Matindi ang galit sa biktima. Gusto ring sunugin para walang makitang ebidensiya,” ayon kay Chief Insp. Rolando Gatan, commander ng Santiago City Police Station 1.

Posible raw na nanlaban din ang biktima dahil nagkalat ang dugo sa bahay.

Agad namang nahuli ang suspek na si Surinder Singh na bayaw ng biktima.

Ayon sa pulisya, magkasama ang magbayaw sa bahay.

“Base sa mga interview namin sa kanilang mga kapitbahay, itong biktima at suspek ay madalas na nag-aaway,” ani Gatan.

Mariing itinanggi ng suspek ang bintang laban sa kaniya.

Giit naman ng kapatid nito, wala silang alam na alitan ng magbayaw.

“Sabi niya hindi ako ang gumawa kasi nasa taas ako. Tulog ako,” giit ni Jasvir Singh, kapatid ng suspek.

Hindi naman isinasantabi ng pulisya na motibo ng pagpatay ay may kinalaman sa negosyo. Kapwa merchandizer at nagpapautang ang magbayaw.

Sinampahan na ang suspek ng reklamong murder.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.