Metro Manila, ilang karatig-lalawigan, binaha dahil sa habagat

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2018 08:39 PM

Binaha nitong Martes ang ilang lugar sa Metro Manila at ilang karatig-lalawigan dahil sa malakas na pagbuhos ng ulang bunsod ng hanging habagat.

Sa Quezon City, sinagip ng mga awtoridad ang ilang residente ng Barangay Roxas District matapos umabot sa lagpas-tao ang baha roon.

Nagtulungan ang pamahalaang lokal at ilang ahensiya ng gobyerno gaya ng Pasig River Rehabilitation Commission sa pagsagip sa mga residente.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nasa 30 pamilya ang pansamantalang inilakas dahil sa baha at dinala sa mga covered court ng Bgy. Roxas, Bgy. Santa Cruz at Bgy. Damayan, ayon sa pamahalaang lokal ng lungsod.

Kabilang sa mga binahang pangunahing kalsada sa lungsod ang N.S. Amoranto Street at E. Rodriguez.

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi naman madaanan ng mga de-gulong na sasakyan ang Araneta Avenue sa Quezon City dahil sa lalim ng baha. Sa halip, mga sasakyang pandagat ang ginamit ng mga residente para makatawid.

Nagmistulang swimming pool din ang Araneta Avenue para sa ilang residente na tila nag-enjoy sa paglangoy.

Watch more in iWant or TFC.tv

Kusa namang lumikas ang ilang residente sa Marikina City dahil sa pagtaas ng tubig sa Marikina River.

Pasado ala-1 ng hapon nang pumalo sa 16 metro ang taas ng tubig sa ilog, dahilan para magtaas sa ikalawang alarma at magsagawa ang pamahalaang lokal ng preemptive evacuation.

Nanguna sa boluntaryong paglikas ang mga apektadong residenteng nakatira sa mga low-lying area o mabababang lugar gaya ng Bgy. Tumana, Malanday at Nangka.

May 16 na barangay ang Marikina at bawat isa ay may nakatakdang evacuation center.

Watch more in iWant or TFC.tv

Mahigpit ding binantayan ng mga awtoridad ang pagtaas ng tubig sa Tullahan River sa boundary ng Valenzuela at Malabon City dahil sa matinding bahang posible nitong idulot kapag umapaw.

Pinakaapektado sa lagay ng ilog ang mga katabi nitong barangay na Potrero sa Malabon at Marulas sa Valenzuela.

Ilang residente sa mga naturang barangay ang sinagip ng mga awtoridad dahil sa abot-dibdib na baha sa Potrero at abot-leeg na baha naman sa Marulas.

Hindi rin madaanan ang Governor Pascual Avenue sa Bgy. Catmon, Malabon dahil sa lalim ng baha.

 MGA KARATIG-PROBINSIYA, BINAHA RIN

Nahirapan namang bumiyahe ang mga light vehicle sa Marcos Highway sa Antipolo City bagaman nadadaanan ang naturang kalsada.

Ilang subdivision naman ang binaha sa Cainta, Rizal gaya ng Golden Mile Subdivision.

Watch more in iWant or TFC.tv

Umabot hanggang dalawang talampakan ang baha sa ilang barangay sa Marilao, Santa Maria, Meycauayan, at Bulakan sa Bulacan.

Labingapat na barangay naman sa bayan ng Hagonoy ang binaha.

Nagkaroon din ng sakit sa balat, tulad na alipunga, ang ilang residente sa Hagonoy dahil sa ilang linggong pagbaha roon.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ilang lugar naman sa Bataan ang binaha dahil sa pag-ulan na sinabayan pa ng high tide.

Sa bayan ng Hermosa, umabot sa halos limang talampakan ang taas ng baha sa Bgy. Almacen, dahilan para hindi na makadaan ang mga sasakyan at bangka ang gamitin ng mga residente na pambiyahe.

Bukod sa Hermosa, tumaas naman mula isa hanggang tatlong talampakan ang baha sa Bucay, Balanga City, Dinalupihan, Mariveles, Morong, at Orani, ayon sa Bataan Provincial Disaster Risk Reduction Management Office.

Ilang pamilya rin ang inilikas sa Balanga, Morong at Pilar.

Watch more in iWant or TFC.tv

May 25 barangay naman ang binaha sa Pampanga dahil sa high tide at patuloy na pag-ulan, ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Office ng lalawigan.

Ang mga pag-ulan, ayon sa PAGASA, ay bunsod ng hanging habagat hila ng bagyong Henry.

Bagaman nakalabas na ng bansa nitong Martes si Henry, isang low pressure area naman ang namataan ng PAGASA sa karagatan sa silangan ng bansa.

— Ulat nina Doland Castro, Jeff Canoy, Apples Jalandoni, Jeck Batallones, Jasmin Romero, Dennis Datu, at Gracie Rutao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.