MANILA - Nasunog ang bahagi ng Mega Q Mart sa Quezon City sa kasagsagan ng pag-ulan, Martes ng madaling-araw.
Pasado alas-4 ng umaga nagsimula ang sunog sa kisame ng isang stall sa dry goods section na nakaharap sa EDSA.
Natupok ang tinatayang 20 stall o 25 porsyento ng palengke bago naapula ang apoy makalipas ang nasa 2 oras, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).
Naapektuhan din ang mga opisina sa palengke at outpost ng pulisya.
Posibleng sumiklab ang sunog dahil sa faulty electric wiring matapos mabasa ng ulan ang palengke, sabi ng BFP.
Nasa P500,000 anila ang inisyal na halaga ng danyos sa imprastraktura. Hindi pa kasama rito ang halaga ng mga nasunog na paninda.
Wala pang natatanggap na ulat ang mga awtoridad ng sinumang nasaktan o nasawi sa sunog.
Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.