'Iwas-antok sa duty': Doktor timbog sa 'pagbili' ng shabu sa 2 pusher

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2018 08:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Arestado ang isang resident doctor ng pampublikong ospital sa Olongapo City matapos maaktuhang bumibili ng droga sa dalawang tulak na target ng buy-bust operation.

Kinilala ang buyer bilang si Dr. Carlo Bustamante, 38 anyos, at resident physician ng James Gordon Memorial Hospital.

Ayon sa imbestigasyon, patapos na ang buy bust operation ng Drug Enforcement Unit laban sa kanilang mga target na pusher nang bigla umanong humabol si Bustamante para bumili ng isang sachet ng hinihinalang shabu.

Narekober sa nahuling tulak na sina Alejandro Corum at Aries Delos Santos ang 29 sachet ng shabu na nagkakahalaga ng halos P50,000.

Tumangging magpa-interview sa ABS-CBN News si Bustamante pero ayon sa hepe ng Olongapo City Police Office, may inamin sa kaniya ang doktor.

"Kinausap ko kung ba't ganu'n ang nangyari. 'Yun lang parang napapaiyak siya. Sabi niya sa akin nagawa lang daw niya 'yun para labanan 'yung antok pag siya’y naka-duty," ani Senior Superintendent Melchor Cabalza III.

Ikinagulat naman ng mga opisyal ng Olongapo ang pagkakahuli kay Bustamante. 

Ayon kay Mayor Rolen Paulino, regular naman ang random drug testing niya sa mga empleyado.

"I was really surprised na nahuli siya...[Pero] pag nagkamali at nahuli, eh di huli. We will not lift a finger and we will let justice flow," giit ng alkalde.

Nagulantang din ang mga kasama sa trabaho ni Bustamante dahil malinis naman daw ang kaniyang record at kilala rin bilang isang mabait na doktor.

Agad namang pinatawan ng preventive suspension sa pinapasukang ospital si Bustamante. 

"Siyempre po 'pag na-convict po iyon, the penalty will be termination from the residency program," ayon kay Dr. Jesse Jewel Manuel, pinuno ng James Gordon Memorial Hospital.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act sina Corum, Delos Santos, at Bustamante. —Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.