2 nakipag-inuman sa birthday party patay sa pamamaril

Rona Nuñez, ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2018 09:48 AM

Pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang mga salarin ang grupo ng nagi-inumang kalalakihan na nagresulta sa pagkamatay ng 2 at pagkakasugat namang ng 2 iba pa sa bayan ng Calabanga sa Camarines Sur. Larawan mula sa Calabanga Municipal Police Station

CALABANGA, Camarines Sur - Patay ang 2 magkaibigan matapos pagbabarilin habang nag-iinuman sa Barangay Sabang sa bayang ito, Linggo ng gabi.

Nakilala ang mga nasawi na sina Alex Dualan, 61; at Conrado Zamudio, 54.

Kritikal naman ang kalagayan ng kapatid ni Zamudio na si Prospero habang sugatan din ang isa pa nilang kaibigan na si Edwin Arpilleda, 45.

Agad namang nakatakbo ang isa pa nilang kaibigan na si Jun-Jun Gomez, 36.

Ayon sa pulisya, nag-iinuman ang grupo ng mga biktima sa bahay ni Prospero para sa kaarawan nito nang dumating ang 2 gunmen at pinagbabaril sila.

Narekober ng awtoridad ang 9 na empty shell at 6 na slug ng kalibre .45 baril sa lugar na pinangyarihan ng krimen.

Hindi pa matukoy ng awtoridad kung ano ang motibo at kung sino ang nasa likod ng krimen habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.