2 dawit sa 'kidnap me' modus, arestado

Maan Macapagal, ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2018 09:42 PM

Inaresto noong Lunes ng Philippine National Police-Counter Intelligence Task Force (PNP-CITF) ang isang lalaking nagpanggap na biktima ng kidnapping para makakuha ng pera mula sa sariling kaanak.

Kasamang naaresto ng umano'y biktima na si Jon Dominic Aguilar ang kasabwat nitong si Abny Molina.

Ayon kay PNP-CITF commander Senior Superintendent Romeo Caramat Jr., Hulyo 14 nang idulog sa mga awtoridad ng kapatid ni Aguilar ang pagkakadampot umano sa kaniya ng mga police kapalit ang ransom na P40,000.

"Wala namang sinabi 'yong complainant kung bakit inaresto ang kapatid niya," ani Caramat.

Agad nagkasa ng entrapment operation ang mga pulis lalo at sinabing kahanay nila ang mga dawit sa kidnapping.

Ikinagulat ng mga operatiba ng PNP-CITF nang matuklasang nasa isang apartelle si Aguilar at hindi talaga dinampot gaya nang iniulat.

Sinundan ng mga pulis sa apartelle si Molina matapos nitong i-withdraw ang pera mula sa remittance center.

"Nag-iinuman sila. Hindi naman siya kinidnap, 'kidnap me' scheme pala," ani Caramat.

Nakiusap naman si Caramat na huwag idamay sa mga modus ang mga kapulisan lalo at sinisikap nila ngayong linisin ang kanilang mga hanay.

"It’s good nahuli namin itong mga taong ganito na ginagamit pa ang pulis sa kanilang kalokohan," aniya.

Nahaharap ang dalawa sa kasong "panloloko" o other deceits base sa Article 318 ng Revised Penal Code.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.