May-ari ng tindahan, patay sa pamamaril sa Mandaluyong

April Rafales, ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2017 09:58 AM

MAYNILA - Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin sa Mandaluyong City, Lunes, bandang alas-4 ng madaling araw.

Kagagaling lang sa pamamalengke ng biktimang si Alfredo Reyes, 58, nang barilin siya ng mga nakamotorsiklong salarin.

Ayon kay Ferdie Fermin, pamangkin ng biktima, kakababa lang ni Reyes sa tricycle bitbit ang mga pinamili nang siya ay barilin.

"Napasubsob siya. Tapos nakatakbo pa siya pero bumagsak din," ani Fermin.

Dead on the spot ang biktima na nagtamo ng tama ng bala sa iba't ibang bahagi ng katawan.

Pitong basyo ng kalibre .45 na baril ang narekober ng mga awtoridad sa crime scene.

Mag-isa sa buhay at nagtitinda sa kanyang sari-sari store ang biktima. Ayon sa kamag anak nito, wala siyang bisyo o kaaway.

Inaalam pa ng pulisya ang posibleng motibo sa pagpatay at kung nasa drugs watch list ang biktima.