P42-M halaga ng 'pirated' DVDs, nasamsam sa GenSan

Chai Tabunaway, ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2016 01:28 PM

Iniinspeksyon ng mga awtoridad ang mga piniratang palabas na nakumpiska mula sa General Santos Public Market, Sabado. Chai Tabunaway, ABS-CBN News

MANILA - Umabot sa P42 milyon ang halaga ng mga pirated o pekeng DVD at CD na nakumpiska ng mga awtoridad sa General Santos City, Sabado ng hapon.

Nilusob ng pinagsamang pwersa ng Optical Media Board (OMB) at regional Public Safety Battalion 12 ang pampublikong palengke ng bayan para kumpiskahin ang nasa 300 sako ng iligal na paninda.

Ayon kay OMB chairman Anselmo Adriano, isang paglabag sa Republic Act 9239 o Optical Media Act of 2003 ang pagbebenta ng mga piniratang palabas.

Posible anyang mapatawan ng kasong administratibo o kriminal ang mga mapapatunayang nagkasala rito.

Bukod sa mga pirated DVD at CD, nabisto rin ng ikinasang operasyon ang bentahan ng pornographic movies, na may karampatan din na kaso.

Naging emosyonal naman ang ilang nagtitinda at nanawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte na huwag silang tanggalan ng ikinabubuhay.

Pero giit ni Adriano, dati nang napagsabihan ang mga nagtitinda na itigil ang kanilang iligal na gawain nang huling mag-raid sa palengke noong 2011.

Dapat din anyang mapigil ang naturang bentahan dahil pinapatay nito ang industriya ng pelikula.

Binanggit ng mga awtoridad na dadalhin sa Maynila ang mga nakumpiskang kontrabando at papadalhan ng subpoena ang mga may-ari ng stalls.

Asahan anilang magiging mas madalas pa ang mga operasyon sa buong bansa para masugpo ang kalakaran ng piratang palabas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.