Cargo vessel lumubog sa Manila Bay

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2016 11:27 AM

MANILA - Lumubog sa Manila Bay ang isang Panamanian cargo vessel na naharang ng mga awtoridad noong 2009 dahil sa pagpupuslit ng mga armas.

Hanggang pasado alas-8 ng umaga ng Linggo, natatanaw mula sa baywalk ng Roxas Boulevard ang natitirang kalahati ng M/V Captain Ufuk na hindi pa tuluyang lumulubog.

Ayon kay Commander Armand Balilo, tagapagsalita ng Philippine Coast Guard, tumagilid at lumubog ang barko matapos itong pasukin ng tubig.

Nagkaroon na aniya ng inspeksyon ang PCG at nabatid na walang oil leak sa M/V Captain Ufuk, subalit kailangan din itong matanggal sa lalong madaling panahon dahil peligroso sa paglalayag ng ibang barko.

Ang M/V Captain Ufuk ay naharang ng Bureau of Customs sa Bataan noong Agosto 2009 dahil sa pagpupuslit ng mga matataas na kalibre ng baril. -- Ulat ni Zhander Cayabyab, DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.