PatrolPH

Paglason sa mga aso sa Catanduanes at Camarines Sur, kinondena

ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2022 06:59 PM

Tatlong araw nang gumigising ang mga residente na may patay na mga aso sa kalsada sa Bgy. Codon, San Andres, Catanduanes.

Ayon sa isang residenteng namatayan ng alaga nitong Huwebes, galang aso ang karamihan sa nilason ng kabarangay na hindi na niya pinangalanan.

“Mga walang puso! Maawa naman kayo, kung sino man ang may gawa nito, Diyos na ang bahala sa’yong gumanti. Sa ginawa mo mas masahol ka pa sa hayop,” galit na pahayag nito.

Nasa higit 10 aso ang namatay sa Codon sa loob ng linggong ito. Bantay-sarado ngayon ng mga may-ari ang kanilang mga alaga na hindi makapuslit ng bahay.

Nakipag-ugnayan na sa barangay council ang San Andres Police para mapanagot ang salarin.

Samantala, may 5 aso rin ang natagpuang patay sa Bgy. Irayang Solong, Minalabac, Camarines Sur noong isang araw.

Ayon sa may-ari ng isa sa mga ito, bumubula ang bibig ng mga aso na tanda na nilason ito.

Sana raw nakiusap na lang ang salarin na itali nila ang kanilang alaga kaysa patayin.

“Inipon talaga sa tapat ng bahay ng anak ko. Siguro po ayaw na punta sa bakuran nila kasi daw po malikot,” ayon kay Nery Santiago.

— Ulat ni Jonathan Magistrado

PANOORIN

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.