PatrolPH

Ilang lugar sa Kidapawan City, binaha

ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2022 09:47 PM

Kuha ni Ivy Baguio
Kuha ni Ivy Baguio

COTABATO Province -- Binaha ang ilang residente sa Purok 2-A, Barangay Manongol, Kidapawan City matapos makaranas ng malakas na pag-ulan.

Nangyari ang pag-ulan pasado alas-3 ng hapon Sabado.

Ayon kay Ivy Baguio, walang kanal na pwedeng daanan ng tubig sa kanila kaya pinasok ng tubig baha ang kanilang bahay.

Naranasan din ang flash flood sa Central District ng lungsod.

Nakapagtala ng 144.4mm na pagtaas ng tubig ang local weather station ng lungsod sa loob lang ng isang oras, kung kaya't nasa critical level ang Malamote at Nuangan River, at Singao Creek.

Pinakamataas umano ito mula taong 2008.

Ipinatupad na ang evacuation sa mga apektadong residente ng Dawn's Cafe Area, Pacana Compound-Old PC Barracks, at Ortega Subdivision/dxND compound.

Itinalagang evacuation sites ang City at Sudapin Gymnasium.

Inactivate na ni Mayor Atty Paolo Evangelista ang Incident Management Team sa lungsod.

Ang naranasang malakas na pag-ulan ay sanhi ng low pressure area at Intertropical Convergence Zone o ITCZ. - ulat ni Maricel Butardo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.