PatrolPH

Mahigit P1-M halaga ng shabu nakumpiska sa Taguig at Pateros

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2021 08:03 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Mahigit P1 milyong halaga ng shabu ang nasabat sa magkahiwalay na operasyon kontra droga sa Taguig at Pateros.

Arestado ang 2 babae sa drug sting operation ng National Capital Region Police Office (NCRPO) kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at lokal na pulis sa Barangay Santo Rosario-Silangan sa Pateros noong Linggo.

Kinilalang mga residente ng Pasig ang mga babae, 23 at 29 anyos.

Sa operasyon ng Regional Intelligence Division—Regional Drug Enforcement Unit, nakipagkita ang poseur-buyer na pulis sa mga suspek sa M. Lozada St. at bumili ng nasa P1,000 halaga ng shabu.

Pero nasabat sa kanila ang isang plastic bag at 8 sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na P1.3 milyon. 

Ayon sa pulisya, may kasamahan pa ang mga suspek na isa pang babae na pinaghahanap ngayon.

Sa Taguig naman, inaresto ang magkapatid na lalaki at babae sa buy-bust operation sa Sampaguita St. sa Barangay Western Bicutan Huwebes ng madaling-araw.

Nakumpiska ng Taguig police kina alyas Boy at kapatid na si alyas Rona ang 44 na maliliit na sachet ng hinihinalang shabu.

Nasa 20 gramo ang pinagsamang timbang nito at may halagang P136,000.

Nahaharap ang mga inaresto sa mga kasong illegal drug selling at possession. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.