PatrolPH

Hinihinalang rebelde patay sa engkuwentro sa Albay

ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2021 05:36 PM

Hinihinalang rebelde patay sa engkuwentro sa Albay 1
Narekober din ang mga baril, bala, cellphones, subersibong mga dokumento at personal na gamit sa lugar na pinangyarihan ng engkuwentro sa Daraga, Albay. Larawan mula sa 9th Infantry Division ng Philippine Army

Nauwi sa bakbakan ang isinagawang security operation ng militar sa Barangay Canarom sa Daraga, Albay matapos maka-engkuwentro ang mga hinihinalang kasapi ng New People's Army sa lugar, Biyernes ng umaga.

Ayon kay Capt. John Paul Belleza, tagapagsalita ng 9th Infantry Division ng Philippine Army, napasugod sa barangay ang militar matapos makatanggap ng sumbong sa presensiya ng mga hinihinalang rebelde sa lugar na nagsasagawa ng recruitment o panghihikayat sa mga menor de edad na sumama sa kanilang grupo.

"Hindi ito ang first time na may natanggap kaming report dito sa Bicol na minors na ang nire-recruit nila. Kaya ni-reremind namin lalo na ang mga magulang na maging vigilant sa paligid nila lalo na sa mga anak nila na baka ma-impluwensiyahan nitong mga communist terrorist group," sabi ni Belleza.

Isang hinihinalang rebelde ang patay sa sagupaan na tumagal ng 10 hanggang 15 minuto.

Patuloy na inaalam pa ang pagkakakilanlan nito.

Nakarekober din ng dalawang M16 rifle, mga pampasabog, subersibong dokumento at iba pang personal na gamit sa pinangyarihang ng engkuwentro.

- Ulat ni Karren Canon

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.