PatrolPH

ALAMIN: Mga lugar sa Metro Manila na aprub pasyalan ng mga bata

ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2021 11:01 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Nagsimula na ang ilang local government units na tukuyin ang mga lugar sa kani-kanilang siyudad na puwedeng puntahan ng mga menor de edad matapos na payagan na ito ng COVID-19 Inter-Agency Task Force (IATF).

Noong isang araw lang nagbaba ng desisyon ang IATF na puwede nang lumabas ang mga batang edad 5 pataas.

Pero may rekisito na sa mga parke lang at open spaces pupuwedeng ipasyal ang mga bata.

Inatasan ng MMDA ang Metro Manila Council na maglabas ng executive order o ordinansa para klaro ang guidelines.

Ang Quezon City, 19 ang mga tinukoy na lugar kasama ang Quezon Memorial Circle at Parks and Wildlife.

Para kay QC Mayor Joy Belmonte, ligtas ang mga lugar na yan kaya binuksan na para sa mga bata.

Sa BGC sa Taguig, puwedeng puntahan ang mga open spaces doon, parke man at biking areas.

Sa Makati City, maluwag ang Ayala Triangle Gardens, maging ang Legazpi Park sa Rada.

Sa Maynila, patok noon pa man na pasyalan ang Luneta gayundin ang Intramuros at Baywalk.

Sa Pasay City, puwedeng puntahan ng mga pami-pamilya ang Harbour Square para makasagap ng sariwang hangin.

Sa Parañaque City, tinatapos pa ang executive order pero ang bawat barangay ay inaatasang ipagamit ang mga open spaces.

Sa San Juan, pasok ang Pinaglabanan Shrine, San Juan mini park, Agora Plaza gayundin ang mga mall at shopping centers na may al fresco dining. Ang mga parke sa private subdivisions, puwede ring ipagamit na.

Ang ibang LGU, inihahanda pa ang kanilang listahan.

—Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.