PatrolPH

1 patay sa sunog sa residential area sa Ermita

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2021 07:55 AM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA—Nilamon ng apoy ang ilang mga bahay sa Ermita, Maynila Biyernes ng madaling araw.

Umabot sa ika-2 alarma ang sunog lalo’t nahirapan ang mga bumbero na tumbukin agad ang lugar dahil masikip ang mga daan. Gawa rin sa light materials ang karamihan sa mga bahay kaya mabilis kumalat ang apoy.

Ayon sa isa sa mga residenteng nasunugan, nag-amoy usok na lang at napansin nilang may apoy na mula sa isa sa mga kwarto sa ika-2 palapag ng boarding house na nasunog. 

Pero iniimbestigahan pa ng Bureau of Fire Protection ang pinagmulan ng sunog at sanhi nito. 

Sinubukan ng mga residenteng apulahin ang apoy, pero mabilis itong kumalat. 

Hindi na nakalabas ang isang residente na si Jose Nonie Gregorio na nasawi sa sunog.

Tinatayang nasa P60,000 ang halaga ng nasirang ari-arian, ayon sa BFP.

Inihahanda naman ang basketball court ng Barangay 667 para magsilbing evacuation center ng mga nasa 15 pamilyang nasunugan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.