SANTA ANA, Pampanga – Isinailalim sa 14-day lockdown nitong Huwebes ang isang village sa Barangay Sta. Lucia sa bayang ito dahil sa kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Miyerkoles pa lang ng gabi nang magsimula nang maglagay ng barikada ang mga opisyal ng barangay at pulis sa village ng Albina-Samsaman matapos magpositibo ang isang residenteng paalis na sana papuntang abroad.
“Papuntang Africa. Ni-require siya ng company na bago sila umalis magpa-swab test sila. Ang lumabas sa swab test is positive siya,” paliwanag ni Bernabe Flores, kapitan ng Barangay Sta. Lucia.
Kasalukuyang naka-home quarantine naman ang mga kaanak ng pasyente at nakatakda ring isailalim sa swab test.
Bukod sa bayan ng Sta. Ana, may iba pang mga lugar ang naka-lockdown sa lalawigan.
“Maliban po sa Sta. Ana ay nauna na pong nag-declare ng localized ECQ ang munisipyo po ng Minalin, pati na rin po munisipyo ng Apalit,” sabi ni Police Col. Jean Fajardo, Provincial Director ng Pampanga Police Provincial Office.
Samantala, kasama ang Pampanga sa mga probinsya sa Region 3 na pinalawig pa ang pagpapatupad ng modified GCQ hanggang Hulyo 31, 2020.