PatrolPH

Suspek sa pagpatay sa Cavite, tiklo sa Maynila

Lyza Aquino ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2020 05:52 AM

MAYNILA - Pagkatapos ang tatlong taong pagtatago, nasakote na ng mga awtoridad ang isang lalaki na wanted sa kasong murder sa Dasmariñas, Cavite sa isang operasyon sa Sta. Cruz, Maynila nitong Miyerkoles.

Kinilala ni Police Lt. Col. John Guiagui ng Sta. Cruz Police Station ang suspek na si Jomar Magalas, na may warrant of arrest mula sa Dasmariñas dahil sa pagpatay sa isang Charles Lagradilla noong 2017.

Ayon kay Guiagui, nakatanggap sila ng tip na may nakatira sa kanilang lugar na wanted sa murder kaya nagsagawa sila ng ilang araw na surveillance bago inaresto ang suspek kagabi.

Aminado ang suspek sa nagawang krimen.

Ayon kay Magalas, nagkaalitan sila ng biktima noon dahil patuloy umano ang biktima sa pagbebenta ng ilegal na droga sa kanilang lugar. Nag-away sila hanggang sa mabaril niya ang biktima.

Sa ngayon ay pansamantala munang hawak ng Manila Police District Station 3 ang suspek habang pinoproseso pa ang paglipat sa kanya sa Dasmariñas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.