MAYNILA – Nagbigay-linaw si Lt. Gen. Guillermo Eleazar ngayong Huwebes hinggil sa usapin ng house-to-house search para sa mild at asymptomatic coronavirus disease 2019 (COVID-19) patients.
“Identified po ‘yan. Hindi po ito yung mag-iikot tayo, maghahanap, mangangatok ng positive,” paliwanag ni Eleazar sa panayam sa ABS-CBN TeleRadyo.
Ayon kay Guillermo, predetermined ng Epidemiological Service Unit (ESU) ang mga bahay na pupuntahan, at kaagapay lamang ang pulisya dito.
“Kami po ay back-up lamang,” sabi ni Eleazar.
Pero tatanggap pa rin aniya ng ulat ang pulisya mula sa publiko at kanila naman itong iko-coordinate sa lokal na ESU na siyang gagawa ng assessment at magdedesisyon kung kailangang puntahan ang bahay.
“Pupuntahan kung conducive ba for home quarantine yung lugar na yun. Kung hindi conducive at wala doon sa criteria na sinasabi nga pong puwedeng mag-home quarantine - merong sariling silid, merong sariling palikuran at walang kasama na pwedeng ma-infect na delikado, matanda na may underlying conditions, mga buntis - 'pag ganun po, dapat ililipat natin sa isolation facilities na ngayon naman ay available na,” dagdag ni Eleazar.
Sabi ni Eleazar hindi mga pulis ang mangunguna dito kundi ang mga kawani ng ESU.
Guillermo Eleazar, house-to-house search for COVID patients, Philippines COVID-19 updates, National Task Force Shield, Philippines COVID-19 quarantine, pandemic, virus, Teleradyo