PNP naghahanda sa karagdagang quarantine centers at testing hubs

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2020 10:16 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Pinaghahandaan pa ng Philippine National Police (PNP) ang pagpapatayo ng karagdagang quarantine facilities para sa kanilang frontliners at kawani.

“PNP is now preparing for more quarantine centers and testing hub as we improve our healthcare support mechanism for our police frontliners and personnel who are exposed in infections while fulfilling their duties in communities,” pahayag ni PNP Chief Archie Gamboa. 

Ayon kay Gamboa, mayroong 7 quarantine at testing hubs na nasa pangangasiwa ng PNP tulad ng Philippine Sports Arena sa Pasig at PICC at Mall of Asia sa lungsod ng Pasay. 

Para sa mga pulis at kanilang pamilya, binuksan nila ang Kiangan Billeting Center, Taekwondo quarters, Transformation Oval Quarantine Facility at ang PNP General Hospital na nasa loob ng Camp Crame sa Quezon City. 

Iniulat pa ng PNP Health Service na higit 10,000 na ang kanilang na swab test sa PNP facility sa Mall of Asia mula buwan ng Mayo. 

Ipinag-utos din ni Gamboa ang mahigpit na pagbabantay at pagpapatupad ng health protocol sa nasabing mga pasilidad 

Mahigit 1,000 pulis na ang tinamaan ng COVID-19.