Mga paaralan tatanggap ng late enrollees hanggang Setyembre: DepEd

ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2020 12:35 PM | Updated as of Jul 16 2020 12:36 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA – Hindi na kailangang pang i-extend ang enrollment period para sa darating na pasukan dahil tatanggap pa rin ng late enrollees ang mga paaralan hanggang buwan ng Setyembre, ayon sa isang opsiyal ng Department of Education (DepEd) ngayong Huwebes.

Ayon kay DepEd Undersecretary Jesus Mateo, ang pagtanggap ng late enrollees ay nakasaad sa Department Order 13 Series of 2018. Kahapon, ika-15 ng Hulyo, nagtapos ang opisyal na enrollment period na nagsimula noong Hunyo.

“Doon sa polisiya, nakalagay doon, at least 80 percent of calendar days. Pero kung i-o-operationalize mo yun, kung nagbukas tayo ng August 24, pupuwede pa hanggang September tatanggapin,” paliwanag ni Mateo sa panayam sa ABS-CBN TeleRadyo.

Ayon kay Mateo, ang ginawang enrollment period ay may kaakibat din na survey.

“Yung survey po, ginamit natin yung impormasyon para sa ganun mapaganda pa natin yung basic education learning continuity plan,” sabi niya.

Bukod sa opisyal na enrollment period, nagsagawa rin ng early registration ang DepEd noong Enero, bago magkaroon ng COVID-19 pandemic.

“Sa tala natin, as of 5:30 yesterday, nasa 20.7 million na po tayo, total. 19.62 million dito sa public, samantalang 1 million nasa private,” sabi ni Mateo tungkol sa bilang ng mga enrollees para sa School Year 2020-2021.

Paalala niya, dapat walang tinatanggihang estudyante ang mga pampublikong paaralan na nais humabol sa enrollment.

Nakatakdang magbukas ang klase sa pampublikong paaralan sa Agosto 24 kung saan iba't ibang pamamaraan ng pagtuturo ang gagawin, tulad ng blended learning, dahil hindi pa pinapayagan ang tradisyunal na face-to-face learning sa panahon ng pandemya. 

“Sa remote areas, kung walang online, ang mangyayari, yung printed modules, ihahatid po yun o kukunin. Tapos isu-supplement yun kung may radio o radio-based instruction po,” sabi ni Mateo.