Magkapatid patay sa drug bust sa Bulacan

Angel Movido, ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2020 11:28 AM | Updated as of Jul 16 2020 09:28 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) - Patay ang magkapatid na umano'y drug suspects sa isang operasyon sa Meycauayan City, Bulacan nitong Huwebes ng madaling araw.

Nakuha mula kay Jonathan Nawal at Nasruden Nawal ang 9 na sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P300,000 at isang kalibre .38 na baril, ayon sa pulisya.

Nakatunog umano ang mga suspek na isang pulis ang katransaksyon nila kaya nagpaputok at sinubukang tumakas pero naharang ang sasakyang gamit ng mga ito, ayon kay Police Lt. Col. Bernard Pagaduan, hepe ng Meycauayan police, sa kaniyang ulat. 

Kabilang sa drug watchlist ng lungsod ang mga suspek, dagdag niya.
 

Ayon kay Pagaduan, konektado rin ang mga suspek sa nakaraang operasyon ng PNP sa lalawigan noong Hulyo 1 kung saan narekober umano ang 10 kilong hinihinalang droga na nagkakahalaga ng P68 milyon. 

Sabi ni Pagaduan, 2015 pa nila minamanmanan ang magkapatid na palipat-lipat umano ng tirahan at nagbabagsak ng mga droga sa Bulacan at Metro Manila.