PatrolPH

Kampo umano ni Bong Go nagsampa ng kaso vs online basher

ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2020 06:15 PM | Updated as of Jul 16 2020 11:56 PM

MAYNILA — Nagtungo sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Huwebes ang abogado ng isang college student na inireklamo umano ni Sen. Bong Go.

Hindi nagpaunlak ng panayam ang abogado, pero mismong taga-NBI ang nagsabi sa ABS-CBN News na ang tanggapan ni Go ang nagsampa ng reklamo sa estudyante, matapos umano nitong batikusin ang senador sa social media. 

Hindi naman ito itinanggi ni Go. Sa isang pahayag, sinabi ng senador na naniniwala siya sa freedom of expression, pero dapat ay gamitin daw ito nang responsable. 

"Nirerespeto namin ang karapatan at opinyon ninyo. Kung tingin ninyo ay wala kayong ginawang iligal, wala kayong dapat alalahanin. Sagutin niyo lang ang paratang laban sa inyo at may proseso naman ang batas na poprotekta sa inyong mga karapatang pantao," ani Go.

Wala pang tugon si Go kung anong reklamo ang kaniyang isinampa at kung ano ang post na tinutukoy dito.

REKLAMO NG MAMBABATAS

Samantala, piniimbestigahan naman sa NBI ni Kabataan party-list Rep. Sarah Elago at iba pang youth groups ang umano'y pag-redtag at pag-uugnay sa kanila sa terorismo.

Mismong si Elago ang nagtungo sa NBI-Cybercrime Division para idulog ang nasa 30 social media post na sinisiraan siya.

"Ine-equate kasi nila ang activism with terrorism na hindi tama. Nakakatakot din ito dahil may anti-terror law na," ani Elago. 

Ang kinasasama pa raw ng loob niya, ilang ahensya pa ng gobyerno umano ang nagpo-post nito.

"Bakit dito nila ginagamit ang pondo nila imbis sa panggamitan na lang sa pandemya?" pagtataka ng mambabatas.

Ganito rin daw ang naranasan ng spokesperson ng League of Filipino Students. Panay paninira ang kaniyang natanggap at kumalat pa ang isang post na miyembro siya ng New People's Army.

"Hindi tayo dapat manahimik dahil 'yun ang gusto nilang mangyari," giit ni Tara Taggaoa.

Bukod sa kanila, iniimbestigahan din ng NBI ang mga reklamo sa mga umano'y mapanirang post laban kay Vice President Leni Robredo at iba pang politiko.

Ayon sa NBI, sinusuri pa nila ang lahat ng mga reklamo.

"Ia-identify pa natin and we will coordinate with Facebook and Twitter," ani Kristtia Amores, agent on case sa NBI-Cybercrime Division.

Samantala, kasalukuyan namang pinag-aaralan na ng legal division ng NBI ang reklamo laban kay Overseas Workers Welfare Administration deputy administrator Mocha Uson dahil sa umano sa fake news. 

—Mula sa ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.