Duterte lumambot ang puso kay MVP, mga Ayala dahil sila'y 'galante': Roque

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2020 08:58 PM | Updated as of Jul 16 2020 09:46 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Inihayag ng Malacañang na hindi na itutuloy ang banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipakukulong niya ang mga pinuno ng water concessionaires sa pangunguna ng pamilya Ayala at ni Manny Pangilinan dahil sa laki umano ng itinulong nila sa gobyerno ngayong may pandemyang COVID-19.

Maaalalang sa kaniyang mga nakaraang talumpati, makailang-ulit binanatan ni Duterte ang mga Ayala at si Pangilinan. Masyado aniyang pabor sa kanila ang kontrata sa gobyerno at nalulugi sa serbisyo ang mga Pilipino. 

Handa na ang mga dokumento sana sa mga kaso, pero nag-iba ang ihip ng hangin dahil sa pandemya.

"Ang nawala lang ang determinasyon na ipakulong sila dahil kumolekta sila ng pera, environmental fee na walang water treatment facility. Ang Presidente noong panahon ng COVID ang daming kailangang gastusin, maski galit na galit ito eh grabe naman, galante ang pagbigay, ang MVP (Manny V. Pangilinan) Group hindi pa due ang tax binayaran na ahead of time," ani Presidential Spokesman Harry Roque. 

Pero nilinaw ni Roque na hindi naman ibig sabihin na hahayaan na ng gobyerno na magpatuloy ang mga tagilid nilang kontrata sa tubig.

"Hindi naman ibig sabihin na tumulong sila to the tune of P6.5 billion and P9.5 billion ay off the hook na sila. Sabi ni Presidente kailangan pa rin amyendahan ang water concession agreement. Kailangang ibalik ang dapat ibalik sa taumbayan," giit ni Roque. 

Nauna nang ikinumpara ni Roque ang itinulong nina Pangilinan at mga Ayala sa ibinigay na COVID-19 relief ng pamilya Lopez at ABS-CBN.

Pero agad nilinaw ni Roque na walang kinalaman ito sa pagbasura sa prangkisa ng ABS-CBN at sa pagtukoy dito ni Duterte bilang oligarkiyang binuwag niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.