Calamba resort owners dumadaing sa lugi sa pagbabalik-GCQ ng Laguna

ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2020 06:31 PM | Updated as of Jul 16 2020 10:04 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Dumadaing ang ilang resort owners sa mas paghihigpit ng lockdown sa Laguna lalo't nagsisimula pa lang anila silang bumangon matapos isara nang ilang buwan. 

Nitong Miyerkoles, inanunsiyo ang pagbabalik ng Laguna sa general community quarantine (GCQ) mula sa modified GCQ (MGCQ), dahilan para mapilitan muling magsara ang mga resort. 

Giit ng mga resort owner, dalawang Linggo pa lang silang nagsisimulang bumangon buhat ng mahabang tigil-operasyon. 

"[Nag-abono] po talaga sir for the past 4 months. Naiintindihan ko po na ang iniisip ng gobyerno ay kaligtasan ng bawat isa. Papaano naman po kami yung mga tao namin kalahati lang sweldo? Sana mabigyan ng konsiderasyon," ani Jonee Candelaria, may-ari ng isang resort. 

Noong Hulyo 1 isinailalim sa MGCQ ang buong lalawigan ng Laguna, kung saan pinapayagan ang pagbabalik-operasyon ng mga lodging facility gaya ng mga resort

Sa ilalim ng general community quarantine, ipinagbabawal ang operasyon ng mga resort. 
 
Problema pa ng resort owner na si Anna Marie Alcantara, marami na ang naka-book na mga panauhin ngayong weekend. Apela niya na mabigyan sila ng palugit bago ipasara muli. 

"Mag-a-abide naman kami, magco-comply kami sa kung ano man gusto ng government. Ang request lang sana namin bigyan kami ng grace period 'yung within this week lang," ani Alcantara. 

Dininig naman ng Calamba local government ang apela ng mga resort at pinayagan ang pagtanggap ng mga booking nang hanggang Linggo. 

"Starting Monday so talagang titigil muna pero yung ngayon pa lamang kukuha ng booking ay wag na kumuha, kailangan ipakita sa amin na yung kanilang booking ay prior to the announcement," ani Calamba mayor Timmy Chipeco. 
 
Inaasahan sana ang malaking kita ng mga resort owner sa Laguna, partikular na sa Pansol kung nasaan ang mga hot spring. Pero dahil sa coronavirus ay nawala ang kanilang pinagkukuhanan ng kabuhayan. 

"'Yung malalaking resorts halos milyon na ang nalulugi syempre ho miski di nag ooperate meron mga pinapasweldo na mga tauhan," ani Joel Martinez, kapitan ng Barangay Pansol at resort owner 

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.