Barangay 38 sa Caloocan, isinailalim din sa 'total lockdown'

ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2020 12:16 PM

 

MAYNILA — Isinailalim din sa total lockdown ang Barangay 38 sa Caloocan upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19) sa lugar, ayon kay Mayor Oscar Malapitan nitong Miyerkoles.

Ayon sa Facebook post ng alkalde, nagsimula na nitong Martes ang total lockdown at matatapos hanggang 11:59 ng gabi ng Hulyo 20. 

“Dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa nasabing barangay, minabuti ng Punong-Lungsod na magtotal lockdown sa lugar upang magsagawa ng mabilis na contact tracing at mass testing. Sa huling datos ay nasa 42 na ang nagpositibo sa sakit dito,” ani Malapitan sa isang Facebook post.

Nangako naman ang alkalde na patuloy silang mamamahagi ng relief goods sa lugar “upang masigurong may makakain ang mga residente habang sila ay bawal lumabas.”

Una nang nilagay ni Malapitan ang Barangay 93 sa total lockdown simula nitong Linggo dahil na rin sa pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa lugar.

Batay sa anunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte, nananatili pa rin ang Metro Manila sa general community quarantine hanggang Hulyo 31.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.